Dagdag na alokasyon sa assistance program sa mga OFWs, napagkasunduan sa komite ng Kamara

Itataas sa P5 Billion ang pondo para sa assistance program sa mga distressed na mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Ito ang resulta sa napagkasunduan sa ginawang pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs.

Ayon sa Chairman ng komite na si Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Partylist Representative Raymond Democrito Mendoza, mula sa P1 billion na proposed fund ay itinaas nila ito sa P5 bilyong piso upang i-harmonize o i-akma sa House Bill 5832 o An Act Creating a Department for Filipinos Overseas and Foreign Employment.


Tinitiyak dito na sakaling hindi maipasa ang panukala para sa pagbuo ng isang OFW department ay masisiguro pa rin na sapat ang pondo para mabigyang ayuda ang mga OFWs.

Sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na noong mga nakaraang taon ay sobra pa ang P1 billion assistance fund na nakapaloob sa General Appropriations Bill.

Pero bunsod ng mga hindi inaasahang pagkakataon tulad ng krisis sa Iran at COVID-19 ay makatutulong ang pagdaragdag ng pondo sa assistance program ng pamahalaan para sa mga OFW.

Facebook Comments