Dagdag na ayuda para sa mga mahihirap na pamilya, maipapamigay bago bumaba sa pwesto si Pangulong Duterte

Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na bago matapos ang administrasyong Duterte ay maibibigay sa pinakamahihirap na pamilya ang unang dalawang buwan ng tig ₱500 na dagdag ayuda na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung matatandaan, inatasan ng pangulo si Finance Secretary Carlos Dominguez na maghanap ng pondo para ipamahagi sa mahihirap na pamilyang Pilipino na labis na naapektuhan ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.

Noong una ₱200 kada buwan sa loob ng tatlong buwan, kada pamilyang benepisyaryo ang unang inilatag ni Dominguez, subalit pinataasan ito ni Pangulong Duterte sa ₱500 kada buwan.


Dahil dito ay magiging ₱1,500 para sa tatlong buwan mula Abril hanggang Hunyo ang matatanggap ng bawat benepisyaryo.

Ayon kay DBM acting Sec. Tina Rose Canda, pirmado na ang memorandum joint circular para rito na pinondohan ng tig ₱4-B kada buwan at inaasahang maipamamahagi sa loob ng buwang ito.

Ang kasunod na ₱500 para sa ikatlong buwan ay ang administrasyong Marcos na ang bahalang mamahagi sa mga benepisyaryo.

Facebook Comments