Humiling ng dagdag na ayuda para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) dependent si Senior Citizen Partylist Representative Francisco Datol Jr.
Ayon kay Datol, bukod sa mga anak ay damay rin ang mga senior citizen na OFW dependent sa pagbagsak ng remittances mula sa abroad.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, $437 million ang ibinaba ng OFW remittances o katumbas ng P21.85 bilyon na budget na nawala sa mga OFW dependent.
Dahil dito, nagbabala ang kongresista na posibleng lumala ang sitwasyon dahil sa repatriation ng OFWs at mga travel ban sa buong mundo.
Umapela ang mambabatas sa mga economic manager na ikonsidera ang economic impact ng mababang remittance sa mga pamilya ng mga OFW.
Kabilang sa mga maaari aniyang ibigay na tulong sa mga OFW dependents ay ang interest-free grants upang makapagsimula ng maliit na negosyo at pagsagot ng Philhealth sa buong bayarin ng OFW dependent o repatriated OFW sakaling sila ay magkasakit.