Nararapat lamang na kilalanin ng Commission on Elections o COMELEC ang sakripisyo ng mga guro na naglaan ng mahabang oras ng serbisyo para matiyak ang maayos na eleksyon.
Ang reaksyon sa Kamara ay kasunod na rin ng hiling ng Department of Education o DepEd sa Comelec na bigyan ang mga guro at non-teaching personnel ng dagdag na ₱3,000 para sa kanilang extra work.
Iginiit ni Rizal Rep. Fidel Nograles na hindi kasalanan ng mga guro kung nagloko sa mismong araw ng halalan ang mga kagamitan sa pagboto.
Sa kabila aniya ng sitwasyon ay nanatili ang mga guro sa pagbabantay sa botohan matiyak lamang ang integridad ng halalan.
Matatandaang higit pa sa itinakdang oras ng halalan ang inilagi ng maraming mga guro sa mga paaralan bunsod ng mga pumalyang vote counting machines o VCMs at SD cards.
Hiling naman ng kongresista sa COMELEC ang mabilis na pagtugon at pagbibigay ng honoraria at iba pang benepisyo sa mga guro sa loob ng 15 araw mula noong halalan salig na rin sa COMELEC Resolution No. 10727.