Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang pagtaas ng logistics costs sa bansa bunsod ng mga dagdag na mga bayarin sa mga pantalan.
Sa Senate Resolution 484, tinukoy ni Hontiveros ang mga administrative orders ng Philippine Ports Authority (PPA) na siyang sanhi ng labis na singil sa shipping costs.
Kabilang sa mga administrative orders na ito ang pagbibigay ng port terminal management contracts sa mga bidder na may pinakamataas na concession price, ang pagpapatupad ng “Central Ticketing System”, dagdag na garbage collection fees at paglikha ng mekanismo para sa registration at monitoring ng mga containers na pumapasok at lumalabas sa mga port.
Nakasaad din sa resolusyon ang pahayag ng Philippine Coastwise Shipping Association, ang pinakamalaking shipping association sa bansa, na ang mga patakaran ng PPA ay nagresulta sa 2,000 percent na pagtaas sa singil sa mga daungan sa bansa dahilan kaya tumaas ang mga gastos sa domestic logistics na lubhang nakaapekto sa publiko.
Ipinunto ng senador na hindi dapat payagan ng pamahalaan ang dagdag pasanin na ito sa mga shipping operators gayundin sa mga ordinaryong consumers at banta rin sa lalo pang tumataas na presyo ng mga bilihin at inflation.
Sinabi ni Hontiveros na posibleng makaapekto ito sa ipinapataw na presyo sa mga produkto ng mga importer at sa huli ang general public ang tiyak na matatamaan nito.