Isinusulong ng mga senador ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo at pribilehiyo sa mga dating pangulo ng bansa.
Inihain nina Senators Christopher “Bong” Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Mark Villar at Francis Tolentino ang Senate Bill 1784 o ang Former Presidents Benefits Act of 2023.
Nakasaad sa panukala na ang mga dating presidente ay inaasahang magpe-perform pa rin ng kanilang post-presidential duties tulad ng pakikipagpulong sa foreign at local dignitaries, pagdalo sa public events at iba pang social engagements.
Dahil dito, ang mga tungkuling ito ay palagiang nangangailangan ng pagkuha ng serbisyo ng mga personal staff at paggamit ng private offices.
Paliwanag ni Go, kahit tapos na ang termino ng mga dating pangulo, patuloy pa rin ang mga ito sa pagtulong sa mga kababayan at ang ilan din ay patuloy na nakakatanggap ng banta sa kanilang buhay.
Sa panukala, ang mga dating pangulo ay entitled sa pagkakaroon ng personal security at protection na magmumula sa Presidential Security Group (PSG), staff at office space mula sa Office of the President (OP).