Manila, Philippines – Hinikayat ng isang kongresista ang mga kasamahang mambabatas na lumikha ng batas na layong mabigyan ng kaluwagan ang buhay ng mga senior citizens sa bansa.
Ang mungkahing ito ay bunsod na rin ng paggunita ng bansa sa kontribusyon ng mga senior citizens na gagawin ngayong unang linggo ng Oktubre.
Tinukoy ni Senior Citizens PL Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang paglobo ng bilang ng mga matatanda sa bansa at ang pangangailangan na pagtibayin ang mga natatanggap na benepisyo.
Lumalabas na kada taon ay may 4.39% na pagtaas sa bilang ng mga senior citizens at inaasahang patuloy itong tataas sa 10% hanggang 2025.
Sinabi ni Aquino-Magsaysay na bagamat may Expanded Senior Citizens Act of 2010 para sa pagtiyak ng benepisyo at special privileges sa mga senior citizens, kailangan pa rin ng mas malawak na batas upang maramdaman pa rin na bahagi pa rin ng pag-unlad ang mga matatanda sa bansa.
Partikular na nais patutukan ng mambabatas ang panukala para sa health, opportunities, protection at empowerment sa hanay ng mga matatanda sa bansa.
Sa 8.3 Million na mga senior citizens sa bansa, 30% sa mga ito ang nabubuhay below poverty line, 35% ang may mga kapansanan, at 7% ang dependent sa kanilang mga pamilya.