Manila, Philippines – Hiniling ni Magdalo Partylist Representative Manuel Cabochan na maaprubahan ang panukalang layong dagdagan pa ang benepisyo ng mga retiradong sundalo.
Sa ilalim ng House Bill 1210 o ang “Unified Uniformed Personnel Retirement Benefits and Pension Reform Act,” ay ipapatupad ang overhaul sa kabuuang retirement benefits at pension system ng mga nagretirong uniformed personnel.
Nakasaad sa panukala na dapat tumbasan ng dagdag na retirement pay at benefits ang serbisyong ibinigay ng mga uniformed personnel nang sa gayon ay makapamuhay ang mga ito ng komportable.
Sa ilalim ng panukala, sa oras na magretiro ang mga bagong pasok na sundalo at mga nasa aktibong serbisyo ay entitled na makatanggap ng monthly retirement pay na katumbas ng dalawa at kalahating porsyento ng bawat taon ng kanilang aktibong serbisyo pero hindi naman ito hihigit sa 90% ng kanilang monthly base at longevity pay.
Subalit, hindi naman sasailalim agad sa automatic adjustments ang retirement benefits at pension ng mga bagong sundalo sa oras na maging ganap na batas ito.
Sa sandaling magretiro, eligible naman ang mga bagong sundalo na makatanggap ng lump sum benefit katumbas ng tatlong taong sahod sa loob ng isang buwan mula sa araw ng kanilang retirement.
Itatatag naman ang Uniformed Personnel Retirement Fund (UPRF) para matiyak ang sustainability ng retirement benefits at pension.