Isinusulong ni Senator Robinhood Padilla na mabigyan ng dagdag na benepisyo ang mga Barangay Health Workers (BHWs) sa bansa.
Tinukoy ni Padilla na nararapat lamang na protektahan ng estado ang mga BHWs na gumaganap sa ating sektor ng kalusugan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng karampatang benepisyo at insentibo para sa kanila.
Ilan lamang sa mga itinutulak na benepisyo para sa mga BHWs sa inihaing Senate Bill 232 ni Padilla ang pagbibigay sa mga ito ng 20% discount batay sa mga nakatala sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, tig ₱1,000 na hazard allowance, subsistence allowance at transportation allowance, at ₱100,000 na one-time retirement cash incentive sa mga nakapagsilbi na ng 15 taon.
Dagdag pa rito ang health benefits tulad ng libreng medical care at emergency assistance, mga pagsasanay para sa mas pinahusay na pagseserbisyo, cash gift tuwing Disyembre, civil service eligibility, at iba pa.
Kasama rin sa panukala ang karapatan ng mga BHWs na bumuo ng samahan para sa paglalatag ng kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng mapayapang paraan.
Sasakupin ng panukalang batas ang mga BHWs na nakarehistro at accredited sa municipal o city health board.
Inaatasan naman ang mga health offices sa mga munisipalidad at siyudad na bumuo ng updated na BHW registry habang titiyakin naman ng Department of Health (DOH) na may updated na national registry ng mga BHWs sa buong bansa.