Lusot na sa plenaryo sa ikalawang pagbasa ang House Bill 10647 o ang panukala na nagkakaloob ng dagdag na benepisyo sa mga centenarians at kumikilala sa mga senior citizen na kabilang sa ibang age group o iyong mga octogenarians at nonagenarians.
Sa viva voce voting ay naaprubahan ang panukala na nag-aamyenda sa “Centenarians Act of 2016”.
Sa ilalim ng panukala, idagdag sa kasalukuyang batas ang pagbibigay ng benepisyo sa mga centenarians na aabot ng 101 taong gulang.
Ang mga seniors na aabot ng 101 ay makatatanggap sa gobyerno ng cash gift na nagkakahalaga ng P1 million sa kanilang kaarawan.
Samantala, ang mga octogenarians (80 at 85) at nonagenarians (90 at 95) ay mabibigyan naman ng liham ng pagbati mula sa pangulo at cash gift na P25,000.
Mananatili pa rin ang pagbibigay ng letter of felicitation at centenarian gift na P100,000 para sa mga lolo at lola na 100 na taong gulang.