Isinulong ni Senator Francis Kiko Pangilinan ang “Healthcare Frontliners Protection Act” na nagtatakda ng pag-institutionalize ng dagdag na benepisyo para sa public at private healthcare workers na may direktang kontak sa mga pasyenteng apektado ng sakit sa panahon ng public health emergencies.
Ang hakbang ni Pangilinan ay tugon sa mabagal na pagbibigay ng hazard pay sa healthcare workers ngayong may COVID-19 pandemic.
Nakapaloob sa panukala ni Pangilinan ang anim na karagdagang benepisyo sa healthcare frontliners na kinabibilangan ng buwanang Special Risk Allowance (SRA) sa buong panahon na nasa State of National Emergency ang bansa.
Bukod sa hazard pay na nasa ilalim ng Magna Carta of Public Health Workers ay isinusulong din sa panukala ang karagdagang Active Hazard Duty Pay na katumbas ng 25% ng daily salary rate ng healthcare worker.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbabayad ng lahat ng medical expenses oras na ma-expose sa sakit ang health worker o kaya ay madisgrasya sa paggampan ng tungkulin.
Kasama rin dito ang kumpensasyon sa mga mahahawa ng sakit, free life insurance, accommodation, transportation at meals gayundin ang Personal Protective Equipment at libre at regular na testing.
Sa ilalim ng panukala ay P15 libo ang kumpensayon sa magkakaroon ng mild at moderate sickness, P100,000 sa severe or critical sickness at P1 milyon sa mga masasawi.