Lagda na lamang ng presidente ang hinihintay upang maging ganap na batas ang panukalang batas para sa dagdag na benepisyo ng mga “solo parent”.
Kasabay ito ng pagratipika ng Kamara at Senado sa Bicameral Conference Committee report ng House Bill 8097 at Senate Bill 1411.
Sa panukala ay inaamyendahan ang “Solo Parents Act” na layong dagdagan ang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga solo parents na nahaharap din sa iba’t ibang suliranin ng solong pagpapalaki ng mga anak.
Kabilang sa mga tulong ay “full scholarship” para sa solo parent at kaniyang anak; social safety assistance kapag may kalamidad o pandemya; otomatikong masasakop ng National Health Insurance Program; at P1,000 buwanang subsidiya mula sa lokal na pamahalaan para sa solo parents na “minimum wage earners.”
Ang solo parents naman na kumikita ng hindi bababa sa P250,000 kada taon ay magkakaroon ng 10% na diskwento at exempted sa Value Added Tax o VAT para sa mga produktong gatas ng bata, food and supplements, diaper, ilang mga gamot, bakuna at iba pang kailangan ng mga batang anak.
Oras na maging ganap na batas ay inaasahang nasa 15 milyong solo parents sa bansa ang makikinabang.