Manila, Philippines – Nagpaliwanag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung bakit may bayad ang mga bus na humalili sa mga jeep na nagkasa ng tigil-pasada ngayong araw.
Ayon kay Bong Nebrija, supervising operations officer ng MMDA, tanging ang mga government vehicles lamang ang may alok ng libreng sakay tulad ng mga military trucks.
Pero pagdating sa mga bus, may bayad na P10 kapag hindi aircon at P12 kapag aircon.
Ito ay dahil hindi naman binayaran ng gobyerno ang serbisyo ng mga naturang bus.
Ang mga ito aniya ang nagsisilbing kapalit ng mga jeep na sumali sa transport strike.
Samantala, sinabi naman ni LTFRB Board member Atty. Aileen Lizada na magkaparehong ruta lamang ang binabagtas ng jeep at ng mga kinuha nilang alternatibong bus.
Sa ngayon sa pinakahuling pagtaya ng LTFRB at MMDA ay napakaliit lamang ng epekto ng tigil-pasada na ikinasa ng Stop & Go Coalition.