
Pinagtibay na ng Bicameral Conference Committee ng 2026 national budget ang hiling ng Department of Transportation (DOTr) na dagdag na P3.6 billion para sa LRT line 1- Cavite Extension Common Station at Automated Fare Collection System.
Sa bicam ay sinabi ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na nakatanggap sila ng liham mula kay Transportation Secretary Giovanni Lopez at tinukoy na walang alokasyon para sa proyektong ito sa 2026.
Umaapela ang ahensya na mapondohan sa susunod na taon ang naturang proyekto.
Nakasaad din sa sulat na ang hiling nilang dagdag na pondo para sa dalawang proyekto ay huhugutin o ire-realign lang din mula sa budget ng ibang programa ng DOTr.
Nakausap ni Gatchalian si Lopez at sinabi sa kanya ng kalihim na matagal nang delayed ang common station at nais na nila itong masimulang maipagawa sa susunod na taon.









