Umaasa si Senator Imee Marcos na maiiwasan ang matinding pinsala at maraming casualty sa bagyo matapos na taasan ang alokasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa 2025.
Mula sa ₱1.641 billion na budget ng PAGASA ngayong taon ay itinaas ito sa ₱1.931 billion sa susunod na taon.
Ikinadismaya ni Marcos na taun-taon namang nagbibigay ng pondo ang Kongreso pero nagkukulang pa rin sa pagbibigay ng babala ang PAGASA sa tuwing may malalakas na bagyo.
Aniya, kung naalerto lang sana agad ng PAGASA ang mga local government units (LGUs) tungkol sa dami at lakas ng buhos ng ulan nitong nagdaang Bagyong Kristine ay nailikas sana mula sa pagguho ng lupa at nailigtas ang maraming buhay sa Batangas.
Aabot sa 59 na buhay ang nawala dahil sa Bagyong Kristine sa Batangas kung saan 12 katao rito ang nawawala hanggang ngayon.