Nagsimula na ngayong araw, June 8, 2020, ang dagdag na ruta ng mga bus sa Metro Manila.
Bahagi pa rin ito ng unti-unting pagbabalik-operasyon ng mga pampasaherong sasakyan sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Kasama sa mga rutang binuksan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga sumusunod:
- Monumento – Valenzuela Gateway Complex (VGC)
- Gilmore – Taytay
- Monumento – San Jose del Monte
- Buendia – Bonifacio Global City (BGC)
Ayon kay LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, 36 na bus unit ang idineploy sa rutang VGC, 15 sa Gilmore-Taytay, 105 sa Monumento-San Jose del Monte at 12 sa Buendia-BGC.
Sa mga tinukoy na bus stops lamang na inilagay sa mga ruta maaaring bumaba ang mga pasahero.
Sa ngayon, aabot na sa 1,000 bus ang pinayagan ng LTFRB na muling bumiyahe sa mga bagong ruta para magsakay ng mga commuter na nagtatrabaho sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Inanunsiyo rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na suspendido pa rin ang regular at modified number coding scheme dahil sa limitado operasyon ng public transport sa Metro Manila.