Buo ang suporta ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda na maitaas ang buwis na ipinapataw sa alcohol products.
Sa katunayan, ayon kay Salceda, siya ang unang miyembro ng 19th Congress na naghain ng panukalang batas para taasan ang excise taxes ng alcopops at siya rin ang nag sponsor sa pinakahuling alcohol excise tax increase.
Kaugnay nito ay lubhang nababahala si Salceda sa talamak na iligal na kalakalan ng alcohol gayundin ng tabako.
Binanggit ni Salceda na mula noong 2021, ay nasa 221 bilyong piso ang nawala sa kita ng gobyerno dahil sa iligal na bentahan ng tobacco.
Bunsod nito ay tiniyak ni Salceda ang pag-review ng Ways and Means Committee sa mga hakbang at protocols ng Bureau of Customs (BOC) upang mahanapan ng paraan kung paano mapipigilan na mangyari din ito sa alcohol products.
Iginiit ni Salceda na kailangang magkaroon ng balanseng polisya kung saan masusugpo ang iligal na kalakalan ng alcohol at tobacco kaakibat ng pagpapataw ng mas mataas na buwis sa nabanggit na mga produkto.