Dagdag na Deputy Speakers sa Kamara, hindi kailangan ayon sa isang political analyst

Itinuturing ng isang political analyst na hindi normal ang nangyayari ngayon sa House of Representatives na mayroong 29 na House Deputy Speaker.

Ayon kay Mon Casiple, hindi kailangan ng ganoong karaming Deputy Speaker ng Mababang Kapulungan dahil wala naman itong nagagawa at dumarami lamang ang gastos.

Malinaw aniya na ang pagbibigay ng pwesto sa mga kongresista ay naging instrumental sa pag-upo bilang House Speaker ni Velasco.


Nabatid na siyam pang sumuporta kay Velasco sa Speakership row ang naging Deputy Speaker kaya umabot na ito sa 29 na syang pinakamataas sa kasaysayan ng Kamara.

Ang Deputy Speakership ay isang plum post sa Kamara dahil bukod sa pagiging senior position ay may kaakibat din ito na mga perks gaya ng budget na P200-M at pagkakaroon ng voting powers.

Una nang sinabi ni UP Political Science Assistant Professor Jean Franco na ang pagdami ng Deputy Speaker ay dagdag gastos din dahil kapag itinalagang Deputy Speaker ay magkakaroon ng opisina, dagdag na staff at budget.

Sa 2017 report ng Commission on Audit (COA) lumilitaw na P4.89 bilyon ang nagastos sa mga expenses sa mga tanggapan ng mga kongresista, ito ay para lamang sa 14 na Deputy Speaker noon.

Facebook Comments