Dagdag na disability pension sa mga retirado, lusot na sa Senado

Pinagtibay na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na nagtataas sa pensyon ng mga military veterans na nagkaroon ng kapansanan dahil sa pagkakasakit, karamdaman, pagkasugat at iba pang pinsala na natamo habang nasa gitna ng pagtupad nila sa tungkulin.

Sa botong 21 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 1480 o ang Rationalizing the Disability Pension of Veterans Act.

Kapag naging ganap na batas, ang disability rate ay itataas sa P4,500 sa dating P1,000.


Ang mga beteranong tumatanggap ng kasalukuyang disability pension na P1,200, P1,300, P1,400, P1,500 at P1,600 ay itataas sa P6,100, P6,900, P7,700, P8,500, at P9,300.

Ang mga tumatanggap naman ng pinakamataas na disability rate na P1,700 ay makakatanggap na ng P10,000 o pagtaas na 488 percent.

Kasabay rin nito ang pagtaas sa monthly pension ng asawa at sa bawat anak na menor de edad ng beterano sa P1,000 mula sa P500.

Facebook Comments