
Isinulong ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pagbibigay ng dagdag na insurance coverage at tax-free hazard pay para sa mga mamamahayag.
Ang panukala ni De Lima ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill No. 7292 o ang Journalists’ Welfare and Protection Act, na layong maglatag ng malinaw na framework at sistema para sa proteksyon ng mga kawani ng media.
Ayon kay De Lima, napakahalaga ng papel ng mass media at ng mga mamamahayag sa demokrasya, lalo na sa pagtataguyod ng katotohanan, rule of law, karapatang pantao, at pananagutan ng mga nasa gobyerno.
Gayunman, ikinalungkot niya na nananatiling hamon ang kalagayan sa trabaho ng mga mamamahayag dahil sa kakulangan ng sapat na proteksyon at sa patuloy na pagkakalantad sa pang-aabuso at pagbabanta.
Sa ilalim ng panukala, itinatakda ang ₱350,000 disability benefits para sa lahat ng mass media practitioners, ₱300,000 death benefits, at reimbursement ng gastusing medikal na hanggang ₱200,000.
Inaatasan din ng panukala ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) na bumuo ng isang special insurance program para sa mga mamamahayag.










