Dagdag na intelligence fund, kailangang-kailangan ng PCG

Dapat pa umanong dagdagan ang intelligence fund ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na hindi sila magpapakahipokrito sa usapin ng intel fund.

Paliwanag ng opisyal na sa haba ng coastline ng Pilipinas na kanilang binabantayan kailangan aniya nilang magdagdag ng mga tao, mag-upgrade ng mga gamit at teknolohiya upang mas ma-improve ang pagsu-surveillance at mga ginagawa nila sa pagmamanman, at pangongolekta ng mga impormasyon.


Sa katunayan aniya, pangatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may mahabang coastline, kasunod ng Indonesia at Canada.

Sa kasalukuyan ayon kay Balilo, umaasa na lamang silang aabot pa sa hanggang 40,000 ang bilang ng kanilang mga tauhan sa loob ng termino ng Marcos administration mula sa kasalukuyang 30,000 upang mas magampanan pa ang kanilang mga mandato.

Dagdag pa ni Balilo, hindi lang West Philippine Sea ang kanilang binabantayan sa halip maging ang southern back door ng bansa at ang eastern seaboard.

Kabilang aniya sa kanilang mga tungkulin ang pagresponde sa mga insidente ng oil spill, anti-terrorism response at sa humanitarian missions kapag may mga kalamidad na tumatama sa bansa.

Facebook Comments