Hiniling ni Kusug Tausug Partylist Rep. Shernee Tan-Tambut na madagdagan pa ang bilang ng mga pampublikong ospital sa mga bayan at munisipalidad na nasa isla.
Ito ay matapos na magkasakit ang kongresista ng COVID-19 at pinangambahang ang ibang mga nakasalamuha ay mahirapan magpasuri at magpagamot dahil bukod sa malaki ang gagastusin, malayo rin ang kanilang lugar sa mga ospital at health facilities.
Tinukoy ng kongresista na sa tala noong 2019, 1,800 ang mga ospital sa bansa kung saan 40% dito ay mga government hospitals, patunay na hindi sapat ang bilang ng mga pampublikong pagamutan sa 81 probinsya sa bansa.
Inihalimbawa rin ng lady solon ang kanilang probinsya sa Sulu kung saan sa 19 na munisipalidad, walo rito ay mga island-towns o mga bayan sa isla na malayo sa Jolo kung saan matatagpuan ang mga ospital.
Nababahala ang mambabatas na dahil hindi pa tapos ang pandemya ay mahihirapan ang mga residente sa malalayong isla na pinasok na rin ng sakit na COVID-19.
Nangako ang kongresista na isa sa mga isusulong sa pagbabalik sesyon ay dagdagan ang mga primary at secondary government hospitals partikular sa mga island-municipalities sa bansa.