Dagdag na P26.9-M na tulong, naipamahagi ng DSWD sa mga pamilyang tinamaan ng pagbaha sa Mindanao

Nagpadala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng dagdag na P26.9 million na halaga ng humanitarian aid ang ipinadala sa mga pamilyang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha sa Mindanao.

Ngayong araw, namahagi ng food at non-food items ang DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng shear line at trough ng low-pressure area sa Davao at Caraga regions.

Ayon kay DSWD Asst. Secretary Romel Lopez, higit sa 41,100 family food packs ang naipamahagi sa lalawigan ng Davao de Oro, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao Occidental, Agusan del Sur, at Davao City.


Nauna nang nakipagpulong si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga local chief executive ng Davao Oriental noong Sabado bago ang relief distribution sa bayan ng Governor Genoroso.

Nagsagawa rin ng inspection ang kalihim sa evacuation sites sa mga bayan ng Manay, Caraga, at sa Governor Genoroso.

Tiniyak pa ni Gatchalian sa mga apektadong populasyon na pabibilisin pa ng DSWD ang pagpapalabas ng financial assistance upang matugunan ang iba pa nilang pangangailangan.

Nitong Pebrero 5, nakapagtala ang DSWD ng kabuuang 309,090 apektadong pamilya o mahigit 1 milyong indibidwal mula sa iba’t ibang lokalidad sa Davao, SOCCSKSARGEN, at Caraga regions.

Sa kabuuang bilang, 108,275 pamilya o humigit-kumulang 410,771 katao ang nawalan ng tirahan at kasalukuyang naninirahan sa itinalagang evacuation centers.

Facebook Comments