Nilinaw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na hindi DOLE Out program ang bagong First 1,000 Days o F1KD conditional cash grant sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Gatchalian, ang 4Ps F1KD grant ay naglalayong tulungan ang household beneficiaries na magkaroon ng access para sa mga serbisyo na may kinalaman sa kalusugan ng mga sanggol sa kanilang unang isang libong araw o dalawang taon.
Nabatid aniya na ang P350 ay makatutulong sa mga benepisyaryong buntis at nagpapasusong ina upang makaagapay sa mga gastusin sa pagpapa-checkup, gayundin ng para sa kalusugan ng sanggol sa panahon ng pagpapalaki rito.
Ayon kay Secretary Gatchalian, maraming mga lugar sa bansa na malayo ang mga health center kaya kahit na maliit na halaga ang dagdag na 350 pesos, malaking tulong ito para makakuha sila ng mga serbisyo ng gobyerno.
Paliwanag pa ng Kalihim, ang 4Ps F1KD ay nakatakdang simulan ngayong buwan ng Enero 2025.