Mangangailangan ng malaking pondo ang sektor ng agrikultura upang maisakatuparan ang plano ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na P20 na kada kilo ng bigas.
Ayon kay Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat, tiwala siya na posible naman na maibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo basta’t mailalatag ang mga tama at napapanahong programa para sa sektor ng agrikultura.
Magkagayunman, mangangailangan ng hindi bababa sa P400 billion na dagdag na budget upang mapasigla muli ang agrikultura.
Matitiyak na sa pondong ito ay maibibigay ang mga kinakailangang pangunahing serbisyo at imprastraktura gayundin ay masasawata na ang napakamahal na gastos sa produksyon mula pataba, irigasyon hanggang sa bentahan ng ani.
Naniniwala ang mambabatas na mahalagang maipakita ng bagong administrasyon na buo ang kanilang tiwala sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng sapat na suporta gaya na lamang ng mga nangyari sa bansang Thailand at Vietnam na kilala na ngayon bilang “rice-exporting countries”.
Hirit ng kongresista sa papasok na bagong administrasyon na bukod sa buhusan ng pondo ay ayusin din ang mga polisiya at maglagay ng mga pinuno na pro-farmer sa Department of Agriculture (DA) para tiyak ang P20 na kada kilo ng bigas.