Humihiling sa gobyerno ang Department of Health (DOH) ng karagdagang P49 billion pondo para sa Special Risk Allowance (SRA) ng dagdag pang 500,000 health workers sa bansa.
Sa nagpapatuloy na deliberasyon ng panukalang P5.014 trillion national budget, tinanong ni Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Quimbo si Cebu Representative Duke Frasco kung saan mapupunta ang dagdag pang pondo.
Sinagot naman ito ni Frasco at sinabing para ito sa 526,727 health workers na hindi kasama sa inventory ng DOH.
P3,000 ang mapupunta sa mga low-risk healthcare workers habang ang P6,000 at P9,000 ay sa medium-risk at high-risk medical frontliners.
Sa ngayon, kulang na ang pwersa ng health workers kung saan ayon sa DOH ay nangangailangan na sila ng 92,000 doktor at 44,000 nurses sa mga ospital sa bansa.