Irerekomenda ng Department of Transportation (DOTr) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na dagdagan ang passenger capacity sa mga public utility vehicles (PUV) sa National Capital Region (NCR).
Ito ay kasunod ng pagsasailalim sa Alert Level 3 ng Metro Manila.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, pag-aaralan muna nila hanggang sa Miyerkules kung ilan ang maaaring idagdag na mga pasahero bago nila ito tuluyang irekomenda sa IATF.
Kailangan kasi aniya na ang itataas na seating capacity ay naaayon sa mandato ng mga Local Government Unit (LGU) at ng IATF.
Kasabay nito, inamin naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na mas bumigat ang daloy ng trapiko sa ilang mga kalsada sa NCR kasabay ng pagluluwag ng restriction sa rehiyon.
Sa ngayon kasi, suspendido pa rin ang coding scheme sa mga pampubliko at pribadong sasakyan.