Umapela si Deputy Speaker Bambol Tolentino na dagdagan ang pondo ng Philippine Sports Commission (PSC) partikular sa ilalim ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sa 2022 budget ay binigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ng P175 million na pondo ang PSC.
Sa budget deliberation ng Kamara ay humihiling si Tolentino ng P650 million na pondo para sa susunod na taon upang madagdagan ang budget para sa POC na siyang in-charge sa mga international sports competition at sa mga atleta ng bansa.
Giit ng POC president, dinesisyunan ang 2022 budget ng PSC nang hindi man lang sila kinokonsulta at hindi pa nagaganap ang pagkamit ng ginto at sunud-sunod na medalya ng bansa sa ginanap na 2020 Tokyo Olympics.
Hiniling ni Tolentino na itaas sa P650 million ang pondo ng ahensya bunsod na rin ng limang major events na sasalihan ng bansa sa 2022.
Kasama sa five major events na lalahukan ng Pilipinas sa susunod na taon ay Winter Olympics, Asian Games, Asian Youth Games, dagdag pa rito ang SEA Games sa Vietnam.
Makakaasa aniya na sisikapin ng komisyon at ng POC na makapag-uwi muli ng karangalan sa bansa.
Umaasa ang kongresista na isasama sa ‘period of amendments’ o sa bicameral conference committee ang hirit na dagdag na pondo sa PSC.