
Mabibigyan na ng mas pinalakas na proteksyon ang mga mangingisda sa West Philippine Sea dahil sa dagdag na pondo para sa mga local fishermen sa ilalim ng 2026 budget ng Department of Agriculture (DA).
Ito’y matapos aprubahan sa bicameral conference committee ang dagdag pa na P600 million na pondo para sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon kay Committee on Finance Vice Chairperson Kiko Pangilinan, bagamat malayo pa ito sa katotohanan, ang mahalaga ay nauumpisahan nang mabigyang pansin ang kalagayan ng mga mangingisda sa WPS.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na frontliner ang mga mangingisda at mahirap na itulak ang food security kung mismong ang mga nagdadala ng pagkain ay dinededma sa pondo.
Kabilang pa sa itinaas ng BFAR budget ay para sa monitoring, control and surveillance para labanan ang iligal na pangingisda at P150 million na alokasyon para sa mobile water treatment at desalination system.









