Dagdag na pondo sa DMW at OWWA, isusulong ni Sen. Raffy tulfo

Padadagdagan ni Senador Raffy Tulfo ng pondo ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat.

Nangako ang senador na isusulong ito sa gitna ng pagbisita sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Dubai kasama sina DMW Usec. Hans Cacdac, OWWA Administrator Arnel Ignacio, Ambassador Ferdinand Ver, at Philippine Consul General Renator Duenas Jr.

Tiniyak rin ni Tulfo na patuloy niyang ipaglalaban ang pagsasabatas ng Magna Carta of Seafarers na ngayon ay nasa ikalawang pagbasa na sa Senado.


Sa pagdiriwang doon ng Migrant Workers’ Day ay binisita rin ng mambabatas ang Migrant Workers Repatriation Center kung saan nadatnan doon ang ilang OFWs na nasa shelter at sumasailalim sa mga pagsasanay ng OWWA bilang paghahanda sa pagbalik sa Pilipinas.

Inirekomenda ng senador ang paglalagay ng mga kailangan ng mga OFWs sa shelter tulad ng dressing room, sariling lockers, dagdag na cooling fan sa dining area, toilet at shower area at paglalagay ng maayos na lugar para sa paglalaba at sampayan.

Binigyang-diin ng senador na ang mga OFW na napunta sa shelter ay nakaranas ng matinding krisis tulad ng pagmamalupit at pananakit kaya nararapat lamang na sila ay maalagaan ng maayos at mabigyan ng komportableng pansamantalang tahanan.

Facebook Comments