Dagdag na proteksyon at benepisyo sa mga media at entertainment workers, isinusulong sa Senado

Pinabibigyan ng mas maigting na proteksyon, seguridad at dagdag na benepisyo ang mga media at entertainment workers.

Sa Senate Bill 1183 na inihain ni Senator Christopher Bong Go o ang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, isinusulong na mabigyan ng dagdag na health insurance package, overtime at night differential pay at iba pang benepisyo ang mga manggagawa sa media at entertainment industry.

Itinatakda rin sa panukala ang guidelines para sa oras ng pagtatrabaho sa sektor kung saan ang normal na haba ng oras ng trabaho ay walong oras at hindi lalagpas sa maximum na 12 oras maliban na lamang kung talagang may pangangailangan na lumagpas pa rito habang sa mga oras ng trabaho para sa bata na nagtatrabaho sa entertainment ay kailangang sumunod sa Republic Acts 7610 at 9231.


Bukod dito, tinitiyak din ang pagbibigay ng hazard pay para sa mga media workers na ide-deploy sa mga delikadong lugar gayundin ng dagdag na benepisyo tulad ng death at disability benefits, at oobligahin din ang mga employers na i-reimburse o ibalik ang pagpapagamot at pagpapaospital ng isang media worker na nagkasakit o naaksidente habang ginagawa ang trabaho.

Pinabubuo rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Industry Tripartite council para sa entertainment at news media na magsisilbing platform ng industriya at mga stakeholders sa pagbalangkas ng mga polisiya at programa ng sektor.

Kinikilala ni Go ang kahalagahan at malaking papel na ginagampanan ng media at entertainment workers sa lipunan at sa ekonomiya at tinukoy din ang patuloy na pagtatrabaho ng mga manggagawa sa sektor sa kabila ng banta ng COVID-19 makapagbigay lamang ng balita, impormasyon at aliw sa mga Pilipino.

Facebook Comments