Dagdag na sahod para sa mga nurses mula sa pribadong ospital, isinusulong sa Kamara

Pinatataasan ng mga kongresista sa Kamara ang sahod ng mga private nurses sa bansa.

Sa House Bill No. 7569 o “Minimum Wage for Nurses in the Private Sector Act of 2020” na inihain nila Deputy Speaker at Davao Rep. Paolo Duterte, DUMPER PTDA Partylist Rep. Claudine Diana Bautista at ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, layunin nitong itaas ang sahod at iba pang benepisyo ng mga nurses partikular na sa mga pribadong ospital.

Inaatasan sa panukala ang National Wages Productivity Commission (NWPC) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-ugnayan agad sa Department of Health (DOH), Philippine Nursing Association at Private Hospitals Association of the Philippines para mabalangkas ang itatakdang taas-sahod ng mga nurses at mga health workers sa private hospitals.


Ayon kay Cong. Yap, masyado nang malayo ang agwat ng mga nurses sa mga pribadong pagamutan kumpara sa mga nurses sa mga pampublikong ospital gayong pareho namang mahalaga ang kanilang ginagampanang papel partikular ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Lumabas sa ginawang pag-aaral na umaabot lamang sa ₱9,757 ang buwanang sahod ng mga nurses sa pribadong ospital samantalang nasa pagitan na ng mula ₱19,845 hanggang ₱30,531 ang buwanang sahod ng mga nurse sa mga government hospitals.

Sa oras na maging batas ay papatawan naman ng mula ₱100,000 hanggang ₱1 million sa bawat paglabag, ang mga ospital na susuway sa mga probisyon ng panukala.

Facebook Comments