Dagdag na sahod sa mga government employees, pulis at sundalo, ipaprayoridad sa budget hearing

Manila, Philippines – Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Alexei Nograles na ipaprayoridad ng Kamara ang budget para sa dagdag na sweldo ng mga empleyado ng gobyerno kasama ang mga pulis at sundalo.

Ayon kay Nograles, ipaprayoridad ng kanyang komite ang pag-apruba sa third tranche ng wage increase ng mga government employees sa ilalim ng Salary Standardization Law 4.

Bagamat hindi ito nabanggit sa SONA ni Duterte, sa 2018 budget ay mayroon ng 55 Billion na inilaan para sa dagdag na sahod sa mga empleyado ng gobyerno na nakapaloob sa Personal Services sa bawat ahensya ng pamahalaan.


Mayroon ding hiwalay na 24 Billion para sa wage increase ng mga uniformed personnel na nakapaloob sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund tulad ng unang ipinangako ni Pangulong Duterte.

Giit ni Nograles, hindi man nabanggit sa SONA pero ito ay matibay na basehan na ang Pangulo ay tumutupad sa kanyang mga ipinangako.

Dagdag naman ni Nograles, magiging mabusisi pa rin ang Kamara sa paghimay sa 3.767 Trillion budget sa 2018.

Facebook Comments