Iginiit ni Assistant Minority Leader at ACT-TEACHERS Partylist Representative France Castro na panahon na para ibigay ang matagal nang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdag sahod sa mga public school teachers.
Kasabay ng pagkalampag para sa dagdag sahod sa mga guro at mga kawani ng gobyerno, sinabi ni Castro na hindi matatanggap ng mga guro ang dahilan ng Pangulo na may pandemya kaya naudlot ang pagbibigay ng dagdag na sahod.
Kung tutuusin aniya, sa kabila ng pandemya ay nagawang paglaanan ng gobyerno ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng P19 billion pero pagdating naman sa pagtaas sa sweldo, benepisyo at pangunahing pangangailangan sa edukasyon ay walang pondo dahil may health crisis.
Ipinaalala ng mambabatas na ang dagdag sahod ay isa sa mga pangako ni Pangulong Duterte noong kampanya at dahil sa dalawang taon nang naitatala ang mataas na inflation rate ay higit na kailangan na ng mga guro ang substantial salary increase.
Tinukoy pa ng lady solon na bukod sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, nakadagdag pa sa gastusin ng mga guro ang blended distance learning.
Ang mga guro na aniya mismo ang nag-adjust para makabili ng laptops, printers at iba pang gadgets na gagamitin sa blended learning.
Dagdag pa ng kongresista, hindi na talaga kakayanin ng mga public school teachers ang demands at gastos sa trabaho kaya marapat namang iprayoridad na ng Pangulo ang sektor ng edukasyon.