Pinapaimbestigahan ng Makabayan Bloc ang biglang pagtataas sa singil sa kuryente ng Meralco sa kabila ng lockdown at krisis na kinakaharap ng mga Pilipino sa COVID-19 pandemic.
Sa House Resolution 879 na inihain ng Makabayan, inaatasan nito ang House Committee on Energy na siyasatin ang P0.1050 na dagdag singil sa kuryente ng Meralco o katumbas ng P21 dagdag singil sa kada 200 kWh na kunsumo ng kuryente.
Taliwas ito sa report ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 4 at May 11 kung saan nakapagtala ng ‘excess capacity’ ng kuryente sa Luzon, Visayas at Mindanao dahil sa mababang pagkunsumo o demand ng electricity habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang maraming lugar sa bansa.
Sinabi ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate na mismong ang Meralco ang naghayag na ipapatupad ang ‘force majeure’ provision sa ilalim ng Power Supply Agreement (PSA) bunsod na rin ng pagbaba ng power demand kung kaya’t inaasahan sana na mababa ang singil sa kuryente dahil halos lahat ng establisyimento ay sarado at marami ang mga hindi nakauwi sa tahanan matapos ma-stranded sa mga lugar na inabutan ng lockdown.
Samantala, ipinipilit naman ng Meralco na tumaas ang power rates dahil sa maraming kababayan ang nasa bahay lamang at mas madalas ang paggamit ng mga appliances.