Manila, Philippines – Pinatitigil muna ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Ben Evardone ang planong dagdag na kontribusyon sa mga myembro ng Social Security System.
Ito ay kasunod ng kinasasangkutang iregularidad ng apat na opisyal ng SSS na sangkot sa pag-trade ng sariling stocks gamit ang stockbroker ng ahensya.
Giit ng kongresista, dapat na silipin muna ng pamahalaan ang nasabing iregularidad bago itulak ang dagdag na kontribusyon sa mga SSS members.
Hindi kuntento ang kongresista sa katwiran ng SSS na hindi naman nagalaw ang pondo ng mga myembro dahil kailangan aniyang masilip at matiyak na walang nawalang investment opportunity sa ahensya na maaaring makaapekto sa korporasyon at sa mga members.
Dagdag pa ni Evardone, sa gagawing imbestigasyon ng Kamara dito ay sisilipin din nila ang profit ng SSS at pag-aaralan kung dapat munang i-postpone ang dagdag na SSS contribution.