Dagdag na stimulus fund para sa agriculture at fisheries sector, inihirit sa Kamara

Hiniling ni House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga sa mga miyembro ng Bicameral Conference Committee na dagdagan ang alokasyon para sa stimulus fund sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Ito ay bunsod na rin ng pagtalakay ng Bicam sa P162 billion na pondo ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2.

Pinadadagdagan pa ni Enverga ng P10 billion o hanggang P30 billion ang P20 billion na stimulus fund para sa agriculture at fisheries sector.


Ang pondong ito ay ilalaan para sa direct cash at loan interest subsidies at iba pang ayuda para sa mga manggagawang kabilang sa agrikultura at pangingisda.

Bagamat positibong hakbang ang panukala para tugunan ang epekto ng pandemic sa bansa, umaapela si Enverga na dagdagan ang pondo para palakasin ng husto ang agrikultura at pangingisda sa bansa.

Tinukoy pa na isa ang sektor ng agrikultura na lumago ng 5% sa 2nd quarter ngayong taon dahil sa pagtaas ng produksyon at isa ang sektor din na ito sa may malaking papel para sa muling pagbangon at pagbibigay oportunidad sa kabuhayan at trabaho ng mga nasa probinsya.

Facebook Comments