Manila, Philippines – Sa harap ng tumataas na presyo ng pangunahing bilihin, tiniyak ng NFA na babalik na sa merkado ang NFA rice na P27.00/kg at P32.00 upang mapakinabangan ng mga lubhang mahihirap na mamimili.
Ayon kay NFA Spokesperson, direktang ibabagsak sa merkado ang parating na inisyal na 250,000 metric tons ng imported na bigas sa linggong ito na galing ng Thailand at Vietnam sa pamamagitan ng government to government procurement scheme.
Prayoridad na pagdadalhan ng imported rice ay ang mga mahihirap na probinsya at munisipalidad ng Batanes, Romblon, Masbate, Tawi-Tawi at Basilan.
Sa nakalipas na araw, ang mga mahihirap na mamamayan sa mga lugar na ito ay nagkakasya na sa pagkain ng saging at kamote bilang pamalit sa bigas.
Una na ring dumating ang may 220,000 na sako ng bigas sa Subic Port at 100,000 sa Surigao mula sa Vietnam.