Pasado na sa House Committee on Appropriations ang panukalang batas para sa dagdag na sweldo ng mga public school teachers at mga nurses.
Ang House Bill 5712 o ang Salary Standardization Law 5 na dagdag sweldo sa mga kawani ng gobyerno ay target na ipatupad sa susunod na taon.
Sa ilalim ng inaprubahang SSL5, ang mga Salary Grade 1 employee ay makatatanggap ng ₱2,000 dagdag sa sweldo o ₱500 kada taon simula sa taong 2020 hanggang 2023.
Ang basic salary naman ng mga guro na Teacher 1 ay may dagdag na 30.1% sa sahod, 27.1% na wage increase sa Teacher 2 at 24.1% naman sa Teacher 3.
Binara naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang umento sa sahod dahil ang kinakailangan na pinakamababang sahod ngayon ay nasa ₱30,000 kada buwan.
Paliwanag naman dito ni House Committee Chairman Davao Rep. Isidro Ungab na aabot lang kasi sa ₱34 Billion ang inilaang pondo sa 2020 national budget para sa pagpapatupad ng SSL 5.
Tiniyak naman ni Ungab na maaari naman itong mabawi at maitama sa mga susunod na panahon.