Dagdag na ventilators sa Cagayan de Oro, hiniling ng isang kongresista

Umaapela ngayon si Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Department of Health (DOH) na agad magpadala ng 24 ventilators sa mga ospital sa Cagayan de Oro (CDO) City sa gitna na rin ng surge o pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar.

Sa liham na ipinadala ni Rodriguez kay Health Sec. Francisco Duque llI, nakasaad na hanggang nitong araw ng Linggo ay nasa 10,107 na ang naitalang kaso sa CDO.

Dagdag pa ng kongresista, nasa 74.56% na ang healthcare utilization rate sa Cagayan de Oro.


Ayon kay Rodriguez, inaasahan ng mga ospital sa lungsod na tataas pa ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19, habang mayroong ilan na naghihintay na ng bakanteng higaan.

Nasa sampung ventilators ang ilalaan sa Northern Mindanao Medical Center, tig-tatlo naman sa J. R. Borja General Hospital at Maria Reyna – Xavier University Hospital habang tig-dalawa para sa Capitol University Medical Center, Cagayan de Oro Polymedic Medical Plaza, Cagayan de Oro Medical Center/Oncology Cancer, at Madonna and Child Hospital.

Tinukoy ng mambabatas na maaaring kunin ang hinihingi nilang ventilators sa natitirang 63 units na ayon sa DOH ay naka-standby at handang dalhin sa mga rehiyon.

Facebook Comments