Makakatanggap ng dagdag na ₱1 billion ang Marawi Siege Victims Compensation Fund para sa susunod na taon bukod sa ₱1 billion pondo nito ngayong taon.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan, ang naturang extra P1 billion ay ilalagak sa 2024 budget ng Marawi Compensation Board (MCB).
Sabi ni Libanan, ang nabanggit na supplemental funding ay alinsunod sa obligasyon ng gobyerno sa ilalim ng humanitarian laws na nag-aatas ng remedy and repayments sa mga biktima ng armed conflicts.
Binanggit ni Libanan na maliban dito ay makakatanggap din ang MCB ng P117 million sa susunod na taon para sa general administration kaugnay sa pagproseso at beripikasyon ng claims.
Samantala, sinabi naman ni MCB Chairperson Atty. Maisara Damdamun-Latiph sa unang pulong naman ng Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation na umabot na sa 12,000 indibidwal ang nagpa-schedule ng appointment upang ma-asses at makakuha ng structural o death claims.
Batay sa implementing rules and regulation ay makakakuha ng P18,000 per square meter per story ang isang indibidwal na totally damage ang property na gawa sa concrete habang P13,500 naman kung ito ay halong kongkreto at kahoy at P9,000 para sa gawa lang sa kahoy.
Aabot naman sa P350,000 ang maaring makuha para sa mga namatay o nawala sa kasagsagan ng Marawi Siege noong 2017.