Dagdag na ₱6.8 bilyon, aprubado para sa benepisyo ng mga health at non-health workers

COURTESY: DOH Metro Manila Center for Health Development/Facebook

Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng dagdag na ₱6.8 bilyon para mabayaran ang balanse ng health emergency benefits at allowances ng mga kwalipikadong health at non-health workers.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sakop ng pondong ito ang mahigit 1.4 milyong claims mula sa mga local government unit, pribadong ospital, state universities, at iba pang institusyon para sa mga benepisyo mula 2021 hanggang 2023.

Ang hakbang na ito ay bilang pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sakripisyo at malaking ambag ng mga health at non-health workers, lalo na noong kasagsagan ng pandemya.

Matatandaang noong 2024, nakapaglabas na rin ang DBM ng ₱121.3 bilyon para sa parehong programa.

Tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na tutukan nito ang agarang pagbabayad ng mga pending claims at pinaalalahanan ang mga LGU at pribadong ospital na tiyaking maayos at mabilis na maipapamahagi ang mga benepisyo.

Facebook Comments