DAGDAG-PASAHE | LTFRB, nilinaw na hindi pa pwedeng ipatupad ang P9 minimum fare

Manila, Philippines – Hindi pa pwedeng maningil ng P9.00 na pamasahe ang mga driver ng pampublikong jeepney.

Ito ay matapos ibalik ng LTFRB sa kanilang legal department ang desisyon para sa one peso provisional fare increase sa mga pampublikong jeep para sa unang apat na kilometro sa mga ruta sa Metro Manila, Central Luzon at Southern  Tagalog.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Spokesperson Attorney Aileen Lizada, may komento pa siya sa ilang bahagi ng desisyon na ipinasuri sa legal department kaya at hindi pa puwedeng maningil ng dagdag na piso ang mga driver.


Samantala, hindi na tatalakayin ng LTFRB board ang 2 peso increase na petisyon ng limang transport groups.

Sabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra, mayroon ng nakabinbin na amended petition ang ACTO, LTOP, FEJODAP, Pasang Masda at LTODAP, na humihiling na gawing 10 pesos mula sa 8 pesos ang pamasahe sa jeepney.

Ginawang batayan ng mga transport group ang dagdag gastos ng mga operator at tsuper sa pagtalima sa transport modernization program ng gobyerno.

Maliban sa mga jeepney, umapela rin ng fare increase ang mga pampamasaherong bus, UV express at TNVS.

Facebook Comments