Ayon kay Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara, sa ilalim ng 2021 National Budget ay nilaanan ng ₱900 million ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC).
Sinabi ni Angara na layunin nitong mabigyan ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan ang mas maraming batang may sakit.
Binanggit ni Angara na malaking bahagi ng pondo ay gagamitin pambili ng mga bagong hospital equipment, pagtatayo ng pediatric rehabilitation center at pantulong sa mga higit na nangangailangan o mahihirap na pasyente.
Dahil sapat ang budget ay tiwala si Angara na ang mga batang may cancer ay mabibigyan ng libreng chemotherapy sa loob ng isang taon at marami rin ang maa-accommodate nitong mga bata na nangangailangan ng heart surgery.
Umaasa si Angara, na ang itatayong pediatric rehabilitation ay makakatulong para mapalawak ang medical attention at masaklaw rin pati ang mga batang may neurological disorders, spinal cord injuries at musculo-skeletal condition na nakaka-apekto sa kanilang paglaki at development.