Dagdag-pondo sa ‘Doktor para sa Bayan,’ magdaragdag ng mas maraming medical scholars sa susunod na taon

Sa budget deliberations ng Senado ay pinalaki sa P2.6 bilyon para sa 2022 ang pondo para sa medical scholarship sa ilalim ng Doktor para sa Bayan Act.

Dahil dito ay tiwala si Senator Joel Villanueva na magbubunga ito ng libo-libong bagong doktor kada taon sa ating bansa.

Sa bersyon ng Senado ng 2022 national budget ay makakakuha ang Commission on Higher Education (CHED) ng P500 milyon para sa “medical scholarship and return service program” nito.


Mayroon namang P167 million para sa subsidiyang pinansyal sa mga medical students at P250 milyon na “seed fund” para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na magtatatag ng kanilang medicine programs.

Ayon kay Villanueva, ang Doktor para sa Bayan Act ay may layunin na makapagpa-graduate ng mas maraming doktor sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship sa mga mag-aaral.

Sagot nito ang tuition at living allowances, maging ang gastos sa pag-review para sa board exams.

Mayroon ding return service provision sa ilalim ng batas kung saan minamandato ang paglikha ng plantilla position para sa mga scholar na nakapasa sa board upang magsilbi ng isang taon sa bawat taong naging kabilang sa scholarship program.

Tinukoy ni Villanueva na ang kasalukuyang ratio ng doktor-sa-populasyon ay 3 sa bawat 10,000, pero ang layunin ay mapataas ito standard ng World Health Organization (WHO) na 10 sa kada 10,000.

Bunga nito ay binigyang-diin ni Villanueva na kailangan ng 12,165 medicine graduates kada taon para marating ang 10:10,000 na ratio pagsapit ng taong 2030.

Facebook Comments