DAGDAG-PRESYO | Panibagong serye ng oil price hike, ipatutupad ngayong araw

Manila, Philippines – Simula mamayang alas sais ng umaga, magmamahal na naman ng mahigit piso ang presyo ng kada litro ng mga produktong petrolyo.

Una nang sinabi ng Shell na tataas ng P1.60 ang kada litro ng kanilang gasolina; P1.15 sa kada litro ng diesel at piso naman sa bawat litro ng kerosene.

Bukod sa Shell ay nag-anunsyo na rin ang iba pang oil companies na magpapatupad din sila ng mahigit pisong dagdag sa kanilang petroleum products.


Paliwanag naman ni Department of Energy (DOE), Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ito ay dahil sa tensyon sa Middle East na pangunahing pinagkukunan ng bansa ng mga produktong petrolyo.

At maging ang National Economic Development Authority o NEDA ay nababahala na rin sa pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sabi ni Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, kasabay kasi nito ang pagtaas din ng presyo ng iba pang mga bilihin.

Kailangan lang aniyang pabilisin pa ang pantawid pasada sa mga tsuper at unconditional cash transfer para sa mga tinatawag na poorest of the poor.

Sa ipapatupad na oil price hike mamaya, aabot na sa mahigit siyam na piso ang kabuuang itinaas sa presyo ng gasolina ngayong taon habang mahigit sampung piso naman sa diesel.

Facebook Comments