Dagdag Pwersa para sa ‘No QR Code, No Entry Policy’ sa Cauayan City, Hiniling ng PNP

Cauayan City, Isabela- Umaapela ang pamunuan ng Cauayan City Police Station sa lokal na pamahalaan na sila ay tulungan para madagdagan ang pwersa sa pagpapatupad ng ‘No QR Code, No Entry Policy’ sa Lungsod.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt Escarlette Topinio, PIO ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na may mga sumunod na sa naturang polisiya base na rin sa kanilang pagbabantay sa quarantine checkpoint partikular sa national highway sa bahagi ng barangay Tagaran.

Gayunman, kanyang hiniling sa kinauukulan na sana’y madagdagan ng katuwang ang mga pulis na nagmamando sa mga checkpoints upang maipatupad at maiimplimenta ng maayos ang polisiya lalo na’t napakarami aniya ang mga sasakyan na dumadaan at pumapasok sa Lungsod.


Sa ngayon ay kinokonsidera muna aniya nila ang ilan sa mga walang maipakitang QR Code lalo na sa mga walang android phone.

Nanawagan naman ito sa mga Cauayeño at sa lahat ng mga nagbabalak pumasok sa Lungsod na mag download at magrehistro sa Staysafe.ph para makakuha ng QR Code para hindi na maabala sakaling maharang sa checkpoint.

Ang QR Code ay maaari aniyang i-print o ilaminate at ito’y ini-scan ng mga nagbabantay sa tatlong quarantine checkpoints sa Lungsod.

Facebook Comments