Dagdag-sahod at hindi dagdag-buwis, dapat pagtuunan ng gobyerno

Dismayado si Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas sa mga panukalang batas na nagpapataw ng bagong mga buwis na ipinasa ng Mababang Kapulungan.

Punto ni Brosas, dagdag-sahod ang hinihingi ng mga manggagawa at mamamayan pero bakit dagdag-buwis ang ginawang prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Diin ni Brosas, magiging panibagong pasanin para sa mga ordinaryong Pilipino ang anumang buwis na ipatutupad sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo habang ang sahod ay hindi tumataas.


Kabilang sa mga panukalang lumusot na sa third and final reading ng Kamara ay ang pagpapataw ng 12% value-added tax sa digital goods and services at pagpapataw ng ₱100 na buwis sa kada kilo ng single-use plastic bags.

Ayon kay Brosas, kapag tuluyang naging batas ang naturang tax measures ay tiyak tataas ang subscription fees sa iba’t ibang digital platforms kasama ang ginagamit sa pag-aaral ng mga estudyante.

Sabi ni Brosas, ang buwis naman sa single-use plastics ay tiyak na ipapasa sa mga mamimili at pangunahing apektado nito ang mga mahihirap na araw-araw gumagamit ng mga plastic.

Facebook Comments