Dagdag sahod at retirement benefits ng mga kawani ng gobyerno, hindi maaantala ngayong 2026 — DBM

Nilinaw ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi maaantala ang umento sa sahod at ang pagbibigay ng retirement benefits ng mga kawani ng pamahalaan, kabilang ang mga guro at uniformed personnel, ngayong 2026.

Ayon sa DBM, hindi tinanggal o kinansela ang humigit-kumulang ₱24 bilyon na pondo para sa subsistence allowance increase ng uniformed personnel.

Ipinaliwanag ng ahensya na inilipat lamang ang naturang pondo mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund patungo sa kani-kanilang agency budgets.

Bahagi umano ito ng patakaran ng pamahalaan na ilagay ang mga tiyak at regular na benepisyo sa mismong mga ahensyang nagpapatupad, upang mas maging direkta, mabilis, at malinaw ang paglalabas at paggamit ng pondo.

Nilinaw rin ng DBM na ang salary increases ng mga kasalukuyang kawani ng gobyerno ay nakapaloob na sa budget ng bawat ahensya.

Ang mga posibleng maapektuhan lamang, ayon sa ahensya, ay ang mga bagong kukuning empleyado, na nakadepende pa rin sa bilis ng pag-fill up ng mga bakanteng posisyon.

Samantala, sa usapin ng pension ng uniformed personnel, sinabi ng DBM na ang maaaring maapektuhan lamang ay ang mga bagong magreretiro na saklaw ng optional retirement, na dadaan pa rin sa umiiral na mga proseso at alituntunin.

Facebook Comments