Dagdag sahod, hirit ng mga empleyado ng UP

Inilunsad ng mga empleyado ng iba’t ibang sangay ng Unibersidad ng Pilipinas sa bansa ang UP FIGHT Salary Network.

Binubuo ito ng mga research, extension, at professional staff (REPS) at mga guro upang ipanawagan ang pagtataas sa sahod ng mga empleyado.

Sa press conference sa Malate, Maynila, sinabi ng grupo, na mahigit isang libong empleyado ng UP ang nakatatanggap ng buwanang sahod na nasa salary grade (SG) 1-3 o aabot sa P13,000 hanggang P14,678, na mas mababa pa umano sa kasalukuyang miminum wage kasunod ng ipinatupad na apatnapung pisong wage increase.


Lagpas din umano sa kalahati ng mahigit 12,500 na empleyado ng UP ang nasa SG 1-10 o sumasahod ng P13,000 hanggang P23,000 na malayo umano sa P25,248 na family living wage ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation.

Hindi umano ito dapat nararasanan ng mga empleyado ng unibersidad, ayon kay UP Workers’ Alliance President Jonathan Beldia.

Kabilang sa mga ipinanawagan ng grupo ang pagtataas sa SG 4 ng mga empleyado na na sakop ng Salary Grade 1-3, gawing Salary Grade 15 ang entry level na sahod ng professional level na REPS at administrative staff, gawing Salary Grade 16 ang entry level salary ng Instructor 1, at pagtataas ng lecturer’s fee.

Ignigiit din ng UP FIGHT Salary Network ang pagtiyak na nasa oras ang pasahod sa mga kontraktwal na empleyado at pagbibigay sa mga ito ng tamang benepisyo.

Giit ng grupo, dapat agad itong solusyunan ng UP Board of Regents dahil may kapangyarihan umano ang mga ito na taasan ang kanilang suweldo kung gugustuhin alinsunod sa UP Charter of 2008.

Facebook Comments